
Sa loob: Sa may bukana ay may bentahan ng itim na tshirt na may tatak ng bandang Coheed and Cambria, isa rin sa pakay ko ay bumili nito. Sa likod ay nakasaad ang mga araw ng kanilang pagtatanghal sa bawat bansa sa Asia ngayong taong 2010. Sa harap naman ay ang tatak ng banda nila na may tutubi sa gitna, maayos at maganda sya kaya kami’y hindi nanghinayang na bumili. Bago pumasok kami’y nagpakuha ng litrato sa may harap para may konting dokumento naman sa bihirang bisitang konsiyerto.
Ang entablado: Simple lang ang pagkaayos, sa harap ay ang nakataas na entablado, may harang na bakal na rehas na ga-dibdib ang taas. Sa gitna naman ay may ganun din para sa hati ng nakabababang presyo na tiket. Maliit lang naman ang lugar kaya maayos na rin siguro ang panood mo kung ika’y nakapwesto dun sa medyo may kalayuan sa pwesto namen sa harap, hahaha.

Franco: Ano pa ba masasabi ko, nag enjoy ako sa set nila potek Franco ang galing nyo. Dapat mapanood ko sila ulet. Unang beses ko silang narinig tumugtog, sulet! Pero di naman na bago sa akin ang mga kanta nila.
Firefalldown: Dalawa sa grupo nila ay Filipino, Pero sayang iyong enerhiya nila kasi di gaano ito natangkilik kahit anong pang pilit nila. Sinabihan ko nga si Los na “pare, sigaw na rin tayo at pagbigyan na naten”. Ayun buti na lang at namigay sila ng tshirt at cd sa mga manonood habang na-tugtog sila.
Coheed and Cambria: Isang oras at kalahati na tugtugan, rakrakan, sayawan, talunan, palakpakan at kung anu-ano pang pinag-gagawa namen. Di ko na mabibigay iyong listahan ng mga kinanta nila, i-google nyo na lang. Saka ala na ako gaanong pakialam sa pagkasunod sunod basta pag alam ko ang kanta, ayun, sayaw ng todo, talon, tapos sabay sa kanta. Pag hindi ko naman alam, medyo mahinay na sayaw lang tas hampas ng ulo sa hangin. Mga napaka-talentadong nilalalang, nakita ko ulet ang mga lumang istilo ng pag aaliw sa pag-gigitara gaya ng pag-gamit ng bunganga sa pagkala-kalabit ng gitara, ang gitara sa likod na akrobatika. Wala na akong masabi pa, nakangiti ako, tapos kita ko ang ngiti ng mga tao, kita ko rin ang ngiti nila, iyon na siguro iyon. Nagpaalam din sandali ang banda pero ilang saglit lamang ay tumugtog ng muli ng konting karagdagan na kanta. Gaya ng lahat pinagbabato nila iyong mga gamit nilang pick, drumstick at kung anu-ano pa ng matapos sila.
Ang uwian: Nagpasalamat ako sa mga nakatabi ko dahil ang saya rin ng aura nila. Nakipagpalitan na rin lang naman ako ng pawis sa kanila kaya papasalamatan ko na rin sila. Natuwa ako sa ilan dahil sabay din sila sa sayaw, tulakan at kantahan. Medyo mahina na ang pandinig ko paglabas at medyo lutang din sa pagod, pero normal naman iyon.

Ang reklamo: Dapat talaga ipagbawal ang mga camera kahit ito’y hindi pang propesyonal. Iyong iba kasi nagmistulang “tri-pod” na, na nakatayo at kinukuhaan ang bawat galaw ng banda. Iba naman ay hindi na ibinababa, medyo nakaka irita pero buhay naman nila iyon kaya ala tayong magagawa. Ang sa akin lang, manood ka na lang at di naman kailangan lahat ng galaw ay i-record mo, kung ganun din naman gagawin mo bili ka na lang ng DVD. Di naman masama kumuha ng picture o video, pero kung nakakuha ka naman na ng ilan pede na siguro iyon. Tapos “slam” na lang tayo, e di mas masaya, hahahaha. Ewan iba na ang panahon, di ko ma “dig” ang istilo ng panonood ngayon. Ang napansin ko lang kasi parang kulang ang partisipasyon ng mga manonood, papaano imbes na magwala, magpakasaya, sumayaw, ayun karamihan nakataas ang kamay hawak ay camera na dapat ma-record lahat.
Ang husga: Para sa akin, hindi pa rin tinalo ang Pearl Jam nung 1995 pero sya na ang pangalawa sa pinakamagandang konsiyerto na napanood ko sa ngayon, ang galing ng bandang Franco! Tangkilikin ang musikang pilipino! Maraming salamat Coheed and Cambria at napaulanan nyo kami ng talento nyo, ang lupet talaga ng buhok ni Claudio. Ang isa pang nakakatuwa, habang nanonood ka sa kanila, mapapansin mo sa mukha nila ang ngiti at gulat sa pinakita ng Maynila sa pagtangkilik ng musika nila, at alam mo na seryoso ang pasasalamat nila.
Para sa iyo ito pareng Ejay! (1974-1998) alam ko naman kung nabubuhay ka malamang kasama kita dito sa konsiyerto.
No comments:
Post a Comment